Friday, May 1, 2009

2010 Election Fever- Intro

Ang Eleksyon Sa Pilipinas


Naamoy nyo na ba ang simoy ng elekyon? Ang mga panakakang pagsulpot ng mga political ads sa telebisyon at radyo napansin nyo ba? Ang mga anino ng mga kandidato ay muli nananman nating nasisilayan. Ang biglang pagdami ng mga ongoing projects sa ating paligid ay may kaugnayan ba sa nalalapit na 2010 election? Ang mga newsletter at mga lathalain na kumakalat na ang laman ay pawang pagbibida sa mga nagawa ng isang partikular na pulitiko ay nauuso nanaman. At muli nanaman nating namumutakatakan ang mga hinalal nating sina konsehal, konsehala, vice-mayor, mayor at congressman na samantalang ang hirap hagilapin noong pagkatapos ng nakaraang election. Alam kong napapansin nyo nang lahat yan at may mga alaala nang bumabalik sa inyong isipan tungkol sa nakaraang election ang madadrama at mala-cricus na kampanya. Ang partisipasyon mo sa pagparada ng napili mong suportahan na kandidato. Ang pagsama mo sa kanya sa house to house campagin at pamimigay ng kendi sa mga bata, kalendaryo, pamaypay na karton na may mukha ng iyong kandidato at pangako na nakasulat sa mga ito. Edukasyon, kabuhayan, trabaho, kalusugan, malinis na panunungkulan at lahat na ng hinahanap natin para sa isang lider. At ang mga pangakong iyan ay kasing bilis ding nalukot at nagkagusotgusot at tuluyang napunit tulad ng mga ipinamigay na kartong pamaypay. Hindi ba?
At syempre alam mo na ang mga balitang kakabit ng paglapit ng halalan, ang simula ng mga headline na "tinambangan si ganito", "inambush si ganyan", "pinaulanan ng bala si ano", pinaslang ang kandidatong si ganito kung kaya ang misis na nya ang magtutuloy ng kanyang pagtakbo sa election, at kung anu-ano pang patayan na may kinalaman sa election.
Ang saya at ligalig ng bawat election at kaakibat na kampanya nito ay talaga namang parang pista. O mas tamang sabihin na parang isang katayan bago magsimula ang pista?

Nung mismong election, nag-watcher ka, ikaw ay isang magiting na tagapagbantay sa bilang ng boto para sa iyong sinusuportahang kandidato na nagbigay sayo ng limang daang piso at may bonus ka pa pag nanalo siya at naiupo sa pwesto- isang limandaang piso ulit at minsan trabaho pa nga ang pangako sayo (street sweeper or tagasalansan ng mga monobloc). Kung kaya talaga namang tutok ang iyong mata sa bilangan ng boto. Nakipag-away ka pa sa watcher ng kabilang partido. Hindi ka kumurap sa bilangan ng boto noong election pero nung nanalo yung kandidato mo, hindi ba siya kumu-rupt? Sabi ng kandidato mo: "Wag kayong kukurap sa oras ng bilangan ng boto!", pero ang pulitiko pag nakaupo na malamang ku-corrupt yan.

Sadyang nakakahilo pag election at siguradong ganun din sa darating na 2010 election. Inaasahang mas matindi pa ito kesa sa mga nakaraang poll. Mas mainit, mas kumplikado, umaatikabo at maraming pangyayari ang kakambal nito, mula sa kababawan hanggang sa kalaliman ng bawat uri sa lipunan.

Tila parang may sinat na ang lahat.

Mukhang heto na nga siya. Heto na nga at magsisimula nanaman ang mahabang lagnat ng sambayanan. Ang 2010 election fever!

1 comment:

Philippine Senatorial Candidate 2010 said...

Well, I agree with you there, I also feel the election fever. I just hope for a clean and safe election this 2010.

-pia-